pag-usad

    Isa akong labing-pitong taong gulang na dalaga─malapit na maglabing-walo sa susunod na taon. Hindi ko alam kung pagmamahal na ang tawag sa nararamdaman ko. Unang beses ko pa lang kasi, sa palagay ko.

    Sa kasalukuyan, ako ay nag-mo-move on. Oo, nag-mo-move on. Sa relasyong hindi naman nabuo. Sa taong gusto ko na nang matagal. Mahigit isang taon na?

    Hindi ko alam kung papaano mag-move on. Kayo ba, alam niyo?

    Langyang pag-ibig 'yan. Nagulo ako.

    Sinusubukan ko sa ngayon magbago. Sinusubukan ko ngayong kalimutan siya. Sinusubukan kong ibaon sa limot 'tong nararamdaman ko para sa kaniya. Kabaliwan ba 'to? 

    Sinubukan ko nang isipan siya ng mga bagay na hindi ko gusto. Hindi epektibo.

    Sinubukan ko nang magalit sa kaniya. Hindi rin epektibo.

    Sinusubukan ko nang hindi siya isipin. Ni-block ko na siya sa lahat ng social media acounts na magkakonekta kami. Alam niyo kung ano nangyari? Nagkaroon ako ng kaunting kapayapaan. May mga pagkakataon nga lang na bigla na lang siyang nagiging laman ng aking isipan. Pero tiyak, sigurado, nawala kahit papaano yung kirot. Hindi ko nakikita at nararamdaman ang presensya niya.

    Sana magawa ko. Nawa mapagtagumpayan ko.

    Pero alam ko naman, hindi rin 'to magtatagal. Hindi naman siya yung kaisa-isang tao na magugustuhan ko nang ganito. Bilang isang dalaga, alam kong hindi siya kawalan. Tutuntong pa ako ng adulto. Marami pa akong makikilala nang mas higit sa kaniya. Mayroon pa akong makikilala na tipo ko na iba sa kaniya. Hindi ko nga lang sigurado kung magkakagusto sa akin ang matatagpuan kong iyon.

    Pero alam kong saglit lang ito. Darating din ang araw, pagtatawanan ko na lang 'to. Pagtatawanan ko na ganito ako naging hibang sa kaniya. Pagtatawanan ko na lang yung mga nagawa kong katangahan nang dahil sa kaniya.

Dadating ang araw.

Makakausad din ako.

Mga Komento