luha

Likidong dumadaloy mula sa mga mata natin.
Panaghoy; simbolo ng kalungkutan.
Inilalabas sa tuwing puno na ang garapong iniingatan.
Kasabay ng hikbi at kung minsa'y hagulgol.
Kung dati, pilit mo silang pansinin ka, ngunit ngayon, ginagawa mo lang ito nang patago.
Hindi ba't lahat tayo?

    Ang pagluha ay dulot ng labis na emosyon; nagagawa sa tuwing lubos kang nalulungkot, ubod ka nang galit, o 'di kaya'y sobra ang iyong pagkatuwa. Tipong maiiyak ka na lang sa kaganapan ng iyong buhay.

    Nababanggit ko palagi na hindi ganoon kababaw ang luha ko. Sa tuwing may usapan sa mga palabas, nasasabi kong hindi ako ganoon kadaling maluha. Hindi naman sa manhid ako, hindi lang ako ganoon ka-emosyonal nang dahil sa mga napapanood lang. Bilang lang sa aking mga daliri kung ilang beses akong naiyak. Tumatak sa akin yung The Green Mile.

    Noong mga bata pa tayo, nagpapapansin tayo sa pamamagitan ng pag-iyak para makuha natin ang ating mga gusto. Bukod sa luha, ginagamit natin ang ating boses at katawan; maghuhumiyaw at maglulupasay pa kung kinakailangan. Saan ba natin nakuha na ayos lang na gawin ito... lalo na sa labas kung saan maraming tao? (Hindi ako, wala akong naaalalang ginawa ko 'to.) Pero ngayon, nagpipigil sa tuwing namimilipit na tayo sa sakit. Ayaw magpahalata. Sinasarili lang natin at natatakot may mapagsabihan.

    Mayroon pa akong problemang ikinahaharap. Alam mo ba yung pakiramdam na gusto mong umiyak nang umiyak dahil ang bigat-bigat na? Kahit na gusto mong ilabas 'tong mga nagbabadyang luha na mayroon ka na dama mo sa loob-loob mo, walang likidong pumapatak mula sa mga mata mo. Sensasyong tila may umiikot-ikot sa dibdib mo; mula sa puso monahihirapan kang huminga. Hindi mo alam kung ano ang puno't dulo't dahilan. Pero alam mo, punompuno ka na at tila ika'y sasabog na.

    Kaso hindi ka maluha-luha kahit kaunti lang. Hindi mo mailabas-labas. Nakakapanghina.

    Hinihiling ko na nga lang, na sana, mababaw na lang ang luha ko.

Mga Komento

  1. Update: Hindi na ako kasing tigas ng bato. Madali na akong maluha, lalo na kapag nakakaantig. Subalit, kapag sa sarili, hirap pa rin.

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento